“Bakit ang praning mo?”, Atbp.

“Bakit ang praning mo?”

May mga nagtatanong sa akin niyan. Ang tipikal na scenario ay ganito: kapag may kausap ako, iniisip o inaakala kong nakasakit ako kapag tumahimik siya o di kaya mali ang basa ko sa sinabi ng kausap ko. At yun, iisipin nilang praning ako.

Eto kasi. Isa sa mga pinakaayaw ko ay ang makasakit ng damdamin ng tao. O di kaya, ang pakiramdam na naiilang sa iyo ang tao. Nag-aalala ako na baka magkagulo o di kaya mawalan ako ng kaibigan. Kakaunti na nga lang ang mga kaibigan ko (or at least, ang mga willing makipag-usap sa akin) tapos mababawasan pa?

Aaminin ko na di ako magaling sa pakikipag-usap. Pero, gusto ko ng makakausap. Ang ironic di ba? Mahalaga kasi ang komunikasyon sa pagitan ng mga magkakaibigan. At social animal ang tao. Tutal, kahit gaano katindi ang pagiging introvert mo, gugustuhin mo na kahit minsan, may nakakausap ka, o di kaya, maramdaman mo na “you belong”. Naiinggit ako sa mga taong magaling makipag-usap (conversationist).

Siguro likas na sa akin na mag-alala’t matakot dahil sa dami ng malulungkot na karanasang akin nang napagdaanan. Aabot na sa puntong binabantayan ko ang bawat kilos at salita ko: “Gagawin ko ba ito? Baka mailang. Sasabihin ko ba’to? Baka mainis. Tatanungin ko ba ito? Baka isnabin lang. Bakit tumahimik bigla? Naasar na kaya? Ayaw ba sa akin?” Nakaugat na lahat ng basehan ko sa pananalita’t gawa sa mga (di magagandang) karanasan ko.

Kaya minsan, alangan akong gawin/sabihin ang isang bagay. Sa sobrang pag-aalangan, may mga pinalampas akong mga (magagandang) pagkakataon. Ingrained na sa utak ko, kaya mahirap. Pero patuloy ko namang sinusubukang hindi magpadala sa takot na ito.

At patuloy din akong umaasa na mawawala na ito balang-araw.